Introduksiyon: Maligayang Pagdating!

Minsan, may mga bagay tayong hinahanap na nasa ating mga kamay lamang. Inilatag na ang lahat at hinanap pa sa ibang palad. Sa pagsusuri ko sa SAIS upang mapunan ang aking units, nadako ang aking hangarin na humanap ng course na patungkol sa Filipino at gayon ko nahanap ang FIL 21. Sa kabilang banda ng aking pagkakaroon ng 15 units, hindi na make-credit ang FIL 21  sa aking bagong curriculum. May mangilan-ngilan akong kaklaseng Batch 18 na drinop ang FIL 21 dahil sa nasabing rason, ngunit maliban sa akin. Di ako nagkamali sa aking desisyon, bagama’t napuno ako noong una ng agam-agam, nahanap ko naman ang aking hinahangad.

Ito na marahil ang bagay na hinahanap ko na  nasa aking palad lamang pala. Ang isang click sa enroll ng FIL21. Sa loob ng isang semestre, isang masayang paglalayag ang aking naranasan. Nakalulungkot ngang isipin na hindi na mararanasan ng mga susunod pang mga estudyante ang sayang kayang idulot ng FIL21.

Dito ko lubusang, naipakita ang aking kagustuhang matuto sa kulturang Pilipino. Wala ng ibang makapagtuturo nang husto sa isang kultura kundi sa pamamagitan ng pokloriko o kwento. Dito ko naramdaman ang pagiging bagay. Ramdam ko naman na dito ako lumago bilang isang Pilipino.

Kaya’t maligayang pagdating sa aking Blog, dito marami akong inihain na hindi malayong mayroon kang mahahanap. Ang mga akdang ito ay parte ng aking pagkatao sapagkat sila’y isinilang ng aking isip na katuwang ang ibang mga akdang naging inspirasyon ko din.

At ito ang alamat ng pagsilang nitong blog.

Kaya kalakbay, tara na!

Liriko ng Paglaya

Upang mapakinggan, narito ang link — https://drive.google.com/open?id=1H2fLzLEPKEmr8eUr8mLD6ebsm5dFKIBL

Maraming salamat kay Jeremy Renz Arabaca sa pagbibigay buhay sa awiting ito sa pamamagitan ng pagtugtog ng gitara.

Sa pagbukas ng iyong bibig, pighati at sakit, ilang taung kinipkip ay magmamarka sa isip

At siyang magpapalaya sa kanila

Ang siyang magpapalaya sa amin

Minsan ka nang itinali sa tanikala, ng leon at agila

Umalpas sa bitag ng paglaya

Ikinulong ang araw at bituin sa siphayo

nang ikaw na mismo ang gumapos sa iyong sarili

Inaasam na paglaya

KORUS:

Sa pagbukas ng iyong bibig, pighati at sakit, ilang taung kinipkip ay magmamarka sa isip

at siyang magpapalaya sa kanila

ang siyang magpapalaya sa amin


Ika’y makikilala saan mang bansa na hindi pagagapi sa pulang bituin

Dahil may ikaw

Dahil may ikaw

Dahil may ikaw

Sa pagbukas ng iyong mata, pighati ang makikita na ilang taung kinipkip

ay magmamarka sa dibdib

at siyang magpapalaya sa kanila

at siyang magpapalaya sa amin

Ang hinahangad na paglaya sa kadenang nasa iyo

nasa iyo 

Nasa ‘yo ang susi

Mama

link ng kinuhanang larawan: https://www.pinterest.ph/pin/528328600019878128/

Noon, sabik akong makita si mama dahil tuwing magbabakasyon lang kami sa Bicol nagkikita. Mabait si mama saka di siya nakakapagsalita. Palagi niya akong hinahainan ng cookies at gatas gabi-gabi. Minsan, naaalimpungatan ako kapag padampi-dampi niyang hinahawi ang aking buhok kahit nakatalukbong ako ng kumot.

Sa totoo lang, medyo takot pa ako kay mama. Napakamisteryoso niya kasi. May mga oras na maririnig mo siyang umiiyak at ang tunog ng kaniyang mga luha ay parang pumapatak sa malalim na balon at bigla ding titiigil. Oo, alam kong ispiritu si mama, multo kung tawagin pero mabait siya.

Kaya alam kong malungkot si mama. Matagal na din namang namatay ang tunay kong nanay kaya nabili ni papa itong bahay para gawing bakasyunan upang makalimot. Dito na namin naabutan si mama.

Isang gabi, sa isang kwartong walang laman, naririnig ko ang pag-usog ng platito at baso sa sahig kaya binubuksan ko ang pinto. Tatambad sa akin ang dalawang cookies at isang baso ng gatas. Pagkatapos kong kumain, iiyak na naman si mama. “Mama, tahan na po. Miss ko din po kayo.” Saka na ako matutulog at ganoon ulit ang Sistema.

Minsan akong dinala ng aking kakulitan sa attic. Doon ko nakita ang isang lumang diyaryo, kung saan naka-impenta ang lumang bahay-bakasyunan namin. At ang pang-ulong balita, “Dalawang bata ang patay matapos lasunin ng kanilang sariling ina, habang ang kanilang ina ay nagbigti.”

Natigilan ako nang marinig ko sa aking likuran ang pag-usog ng platito at baso. Ngayon, ayoko nang magbakasyon sa lumang-bahay na iyon.

Orihinal na likhang liriko para sa Awiting Pambata

Ninanan Mu Ne Na Naman Ini ay wikang Kapampangan na nangangahulugang “Ano na na naman ang ginawa mo dito/sa kaniya?”

Hawakan mo ang iyong bewang, ang iyong bewang, ang iyong bewang

ninanan mo ne na naman ini

ninanan mo ne na naman ini

igiling-igiling

igiling-igiling

hawakan mo ang iyong tuhod, ang iyong tuhod, ang iyong tuhod

ninanan mo ne na naman ini

ninanan mo ne na naman ini

igiling-igiling

hawakan ang iyong balikat, ang iyong balikat, ang iyong balikat

ninanan mo ne na naman ini

ninanan mo ne na naman ini

igiling-igiling

Isang pahapyaw na pagpapakilala sa alamat ni Saiangkaen sa pamamagitan ng Maskara

kuha ni Bb. Yhayene Mae Dela Luz

Ang maskarang ito ay hinango sa katauhan ni Seangkaien bilang isang Prinsesa ng dagat. Ang asul na nasa kaniyang mukha ay sumisimbolo sa alon ng dagat at ang tila sinag ng araw sa kaniyang bandang ulunan ay sumisimbolo sa kaniyang pagkatao bilang nababalutan ng araw. Ang bughaw sa kaniyang mata ay ang kaniyang pagdadamdam nang malamang ikakasal na sa iba ang kaniyang kasintahan na si Lengkuos. Ang mga borloloy sa mukha niya ay sumisimbolo sa kaniyang mga misteryo at kakayahang manghabi. Ito ay base sa kabanata kung saan sila ay nagtagpo ng kaniyang bayaw na kapatid ni Seonomon na kilala din sa tawag na Lengkuos.

Mga Bugtong na ang ilan ay di mo pa naririnig

link ng kinuhang larawan: https://www.pinterest.ph/pin/288019338639097305/#      

  1. Nilabhan ko kahit maputi na, kahit walang sabon bumubula. BIGAS
  2. Ginto ay mahahanap pag hinukay ang puting ulap. ITLOG
  3. Kahit ako ay putik tikman mo at ikaw ay maaadik. TSOKOLATE
  4. Planetang labas ay lupa, ang ilalim ay langit at tang gitna ay dagat. NIYOG
  5. Huwag mo akong nilalang-lang dahil ako’y tinik sa iyong agam-agam. LANGGAM
  6. Tanod namin sa barangay araw man o gabi maingay. RADYO
  7. Papel na di pwedeng sulatan, kailangan ko upang mainitan. KUMOT
  8. Isda kong dilis sa mariveles nasa loob ang kaliskis. SILI
  9. Baboy ko sa Bataan puno ng pako ang katawan. LANGKA
  10. Maaari akong magbigay buhay, pumatay at bumuhos ng unti-unti. TUBIG
  11. Gintong ulan na puti  pag binuksan. PALAY
  12. Espada ni Juan nakatusok sa buwan. LOLLIPOP
  13. Dalawang tengang api sapagkat tinatapak-tapakan araw man o gabi. TSINELAS
  14. Ayan na si boy, kinukuyog si boy. BUBUYOG
  15. Maliit kapag nakatayo, matangkad pag nakaupo. ASO
  16. Ruby na di maaring hawakan, tutunawin lahat ng madadaanan. APOY
  17. Sinturong suwail na di magamit, pinapalo nang sino mang lumapit. AHAS
  18. Sa magkakapatid ang pinakamahalaga ang maliit. HINLALAKI
  19. Sa Isang sementeryo may isang nitso na laman ay isandaang negro. POSPORO
  20. Papalakpak ang mga bata sa tuwing dadaaan sa langit ang aking alaga. KALAPATI

Idudugtong sa 2558 ng Berinareu

link ng kinuhang larawan: https://www.pinterest.es/pin/96123773274642452/

“Doon sa lupain ng mabubuting kaluluwa,

Naghanap ako ng singrikit ng mga gabay, Gaya mo.”

Sabi ni Mo Legu.

Napangiti ang dalaga sa tuwa.

Natuwa ang dalaga sa sinambit ni Mo Legu.

“Doon sa lupain ng mabubuting kaluluwa, nahanap ko ang babaeng ipakakasal.”

Dagdag ni Mo Legu.

Pagsasalin ng 2547-2558 sa Berinareu

John MacConnell’s “Ernie” (2014), in pen and watercolor.

link ng kinuhang larawan: https://www.nytimes.com/2018/09/17/t-magazine/gay-queer-figure-art.html

“Binilang ko ang mga gabi.

Kung di ako nagkakamali, Walong gabi ako nanatili sa lupain ng may mabubuting kaluluwa.”

Winika ni Mo Legu.

“Pumanhik ako,”

Sambit niya,

“Sa bundok Gawang Keroon, sa lugar nila Kadeg Teresang.”

Sambit ng makisig na lalaki. “Sapagkat naghanap ako ng babaeng ipakakasal.”

Dagdag niya

Kahulugan ng Edgil

Ed · Arabic word na nangangahulugang Kapistahan.

Gi · Mula sa Indonesian word na Giil na ibig sabihin ay kagalingan.

El · Mula sa lumang Spanish Word na Elvicbito na ang ibig-sabihin ay isip.


Nakuha ang inspirasyon ng pangalang ito sa sinaunang diyos ng mga Griyego na si Getzil, ang diyos ng liwanag na sinamba at pinalagananp ng anak ni Nebucadnezzar na si Nukkar at umabot pa sa Tsina. Tinawag ng mga Tsino si Getzil bilang Itsil. Si Getzil ay may kaparehong pagkakakilalanlan sa Diyos ng mga sinaunang Arabo na si Ed Oladuswar, ang diyos ng liwanag at kamatayan.

Samakatuwid, ang kahulugan ng Edgil ay Kapistahan ng Kagalingan ng Isip.

Alamat ng Lungkot

link ng kinuhang larawan: https://www.pinterest.ph/pin/394135404873274348/#

Noong unang panahon may isang tribong hindi nakakaranas ng lungkot ang nakatira sa malayong pook. Doon may mahiwagang bukal na nakakapagpahaba ng buhay at nakapagbibigay ng kasiyahan na binabantayan ni Datu Limbana. Ang kanilang pook ay walang ibang pinagkukunan ng tubig kundi ang ulan at ang mahiwagang bukal. Ang bawat sanggol na makakainom ng tubig sa bukal ay makapagsasalita na parang may matandang pag-iisip.

Sa kabila ng pagkakaroon ng mahiwagang bukal sa tribu ay mayroon pa ding pumapanaw ngunit sa tuwing may mamamatay ay nagkakaroon ng kasiyahan at handaan sapagakat sa kanilang paniniwala na ang kamatayan ay daan patungo sa  bisig ng kanilang diyos na si D’manoo.

Bantog si Datu Limbana sa kaniyang nasasakupan dahil palagi siyang nagpapasimuno ng piging. Isang hapon, habang nakaupo si Datu Limbana sa gilid ng malumot na bato sa may bukal ay nilapitan siya ng isang babaeng may kargang bagong panganak na sanggol at humingi ng mahiwagang tubig at nang makainom na ang sanggol ay kaniyang winika, “Hindi ka ba natatakot maubusan ng pagkain?”, sumagot naman si Datu Limbana, “Hindi, bakit ako matatakot kung maganda ang naidudulot nito sa mga kababayan natin?” Sumagot ang sanggol at sinabing “Lahat ng bagay ay nauubos.” Nagsalita naman ang ina ng bata at humingi ng paumanhin sa Datu at saka umalis.

Napaisip ang datu sa sinabi ng sanggol ngunit di pa din siya tumigil sa pagpapasimula ng malakihang piging. Pinupuno ng mga tao ng mahiwagang tubig ang kanilang mga baso at habang walang humpay sa pagsasayaw. Sila’y nalalasing sa tuwa umaga at magdamag. Hanggang sa dumating ang mga araw na naging madamot ang langit sa ulan. Unti-unting nauubos ang kanilang mga imbak na pagkain at tubig. Unti-unting namatay ang kanilang mga alagang hayop. Nilapitan ng isang alipin si Datu Limbana at nagsabing “Pinuno, ano na ang ating gagawin?” Sinabi niya ito ng nakangiti at walang bahid ng kalungkutan. “Maghanda tayo ng isang piging para sa diyos ng ulan.” At ginawa nga nila ang piging ngunit di pa din umulan.

Isa-isa nang namamatay ang mga tao sa nasasakupan ni Datu Limbana at gayundin ang mahiwagang bukal. Ngunit di pa din nila itinigil ang kasiyahan.  Kasabay nang pagkaubos ng tubig sa bukal ay ang kapanganakan ni Ungkot. Wala na siyang maiinom na mahiwagang tubig kaya umalingawngaw ang kaniyang pag-iyak sa buong tribo. Nagulat ang lahat sa di kilalang tunog. Nang marinig ito ni Datu Limbana, dumaloy ang pagkadismaya sa kaniyang tenga papunta sa kaniyang lalamunan at napasigaw ng malakas. Nilupungan ng tubig ang kaniyang mga mata at saka pumatak sa kaniyang dibdib ang tubig ng pighati. Umiyak rin siya gaya ni Ungkot hanggang sa umiyak na ang lahat. Doon nila naramdaman ang pagkasabik makasama ang mga yumao nilang mahal sa buhay, ang pagkasabik sa  mga bagay na minsan nilang naranasan ngunit di na nila magawa.

Magmula noon ang bawat umiiyak sa tribu ay nagsasabing “Ma-ungkot ako.” Hanggang sa magbago ito at maging “Malungkot ako.” Di na muling sumibol ang tubig sa mahiwagang bukal.

Design a site like this with WordPress.com
Get started